Ipinanawagan ng Philippine Consulate sa Calgary sa pangunguna ni Consulate General Zaldy Patron ang pagpaparami pa ng mga klase sa Alberta sa Canada na tumututok sa wika at kulturang Filipino.
Ito ang naging pahayag ni Consul General Patron sa ginanap na joint webinar sa pagitan ng Philippine Consulate at Alberta Ministry of Education.
Dito tinalakay ang sertipikasyon sa mga guro at ang Filipino language program sa pangunguna ng mga opisyal mula sa Alberta Education.
Dito rin inilahad ang paglago ng bilang ng mga mag-aaral sa ilalim ng Filipino subjects sa ilang mataas na paaralan sa lugar.
Kaya naman hinimok ni Consul General Patron ang mga gurong Filipino na mag-apply sa nasabing certification habang hinikayat din ang mga komunidad sa Canada para sa pagpapakilala ng Filipino subjects sa mas marami pang paaralan.
Ibinalita rin sa webinar ang pagtaas ng budget sa sektor ng edukasyon sa Alberta kung saan libo-libong school staff ang nabigyan ng trabaho sa taong 2023.
Para sa iba pang impormasyon ukol sa certification, maaring magtungo sa website ng Philippine Consulate sa Calgary o sa kanilang Facebook page sa www.facebook.com/PHinCalgary. | ulat ni EJ Lazaro