Kinumpirma ni Philippine Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala na isang mataas na lider-komunista at apat na terorista ang nanutralisa sa operasyon ng militar at pulis sa Purok Matin-ao 2, Brgy. Campagao, Bilar, Bohol kaninang umaga.
Nagsimula ang bakbakan kaninang 6:45 ng umaga sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng 47th Infantry Battalion, 21st Special Forces Company ng Philippine Army at PNP Provincial Mobile Force Company (PMFC- Bohol) laban sa mga miyembro ng Bohol Part Committee (BPC) ng CPP-NPA.
Ayon kay Col. Dema-ala, kabilang sa mga nutralisadong kalaban ang lider ng grupo na isang alyas “Ompoc”, na secretary ng Bohol Party Committee.
Narekober ng mga tropa sa encounter site ang samu’t saring armas ng kalaban, kabilang ang tatlong high-powered firearms at dalawang low-powered firearms.
Samantala, isang pulis ang nasawi at isa ang sugatan sa naturang operasyon, habang walang casualty sa panig ng militar.
Sa ngayon ay patuloy ang clearing operations ng mga pwersa ng pamahalaan sa lugar. | ulat ni Leo Sarne