Nangako ang mga cultural authorities ng bansa na hindi ipagbibili at ide-demolish ang Manila Central Post Office na nasunog noong Mayo 2023.
Sa naging pagdinig ng Senate Special Committee para sa para sa rehabilitasyon ng Manila Post Ooffice, sinabi ni National Commission for Culture and the Arts (NCCA) Chairman Victorino Manalo na isasaayos ang gusali ng Manila Post Office at gagamitin bilang mixed use art center habang pinananatili pa rin ang operasyon ng post office doon.
Sa ngayon may nakalaan nang P15 million, sa ilalim ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), para sa detalyadong pag-aaral ng istraktura ng gusali na nasunog noong nakaraang taon.
Sinuprotahan naman ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda, na siyang namumuno sa special committee, ang plano para sa Manila Post Office.
Kasabay nito ay hiningi ni Legarda ang estimated budget na kakailanganin para sa rehabilitasyon ng Manila Post Office para maisama ito sa 2025 national budget.| ulat ni Nimfa Asuncion