Kinilala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang naging test results ng pag aaral ng Department of Science and Technology (DOST), na sinasabing nagpositibo sa microplastics ang bangus samples mula sa ilang lugar sa Mindanao.
Gayunman, wala pang kongkretong ebidensya ng mga negatibong epekto ng microplastic ingestion sa kasalukuyang antas ng kontaminasyon na nasa kapaligiran.
Ayon sa DA-BFAR, wala pang itinaas na health advisories patungkol sa pagkain ng bangus na nagpositibo sa microplastics.
Gayunman, patuloy na makikipagtulungan sa DOST ang DA-BFAR patungkol sa mga pag-aaral na may kaugnayan ukol dito.
Sinusuportahan din ng ahensya ang panawagan na magkaroon ng consensus sa loob ng scientific community tungkol sa tolerance level of microplastic contamination upang matukoy ang mga potensyal na panganib sa mga tao.
Hinihikayat din ang publiko na mag-recycle o maayos at responsableng magtapon ng mga plastic materials upang mabawasan ang plastic pollution sa mga katubigan.
Pagtiyak ng DA-BFAR, ligtas ang pagkain ng bangus sa kondisyon na ang mga ito ay sariwa at maayos ang pagkaluto. | ulat ni Rey Ferrer