Mga 3,000 residente ng Siquijor ang nakatanggap ng pabigas at tulong pinansyal sa paglulunsad ng Cash and Rice Distribution Program sa pagtutulungan ng DSWD at Office of the Speaker.
Sinaksihan mismo ni Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi P2,000 para sa mga benepisyaryo.
P1000 dito ay pambili ng 25 kilo ng bigas habang ang nalalabing P1000 ay pambili ng iba pa nilang pangangailangan.
“Binuo natin ang programang CARD upang manatiling abot-kamay ang bigas sa ating mga kababayan, partikular dito ang mga matatanda, mga may-kapansanan at iba pang mga sektor na disadvantaged.
Ngayong araw, hindi lang kayo tatanggap ng bigas, tatanggap din kayo ng tulong-pinansyal na maaaring gamiting puhunan para sa inyong kabuhayan,” sabi ni Speaker Romualdez.
Kasabay nito ay mayroon ding tatlong libong maliliit na negosyante ang nabigyan ng tulong.
Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tig-P2,000 bilang pandagdag puhunan sa pamamagitan ng Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) Program
Habang mayroon ding 2,000 estudyante mula Siquijor ang nabigyan din ng P2,000 na financial assistance sa pamamagitan ng AICS program ng DSWD.
Pawang mga naka-enroll sa Tulong Dunong Program (TDP) ng CHED ang mga mag-aaral na tinulungan sa ilalim ng Incentives Program (ISIP) for the Youth.
“Hindi naman natin maikakaila na ang ating mga maliliit na namumuhunan at ang ating mga kapos na estudyante ay kailangan ng tulong para umunlad. If we help our entrepreneurs and students to succeed in their respective endeavors, we empower them to provide positive contributions to nation-building,” ani Romualdez.| ulat ni Kathleen Forbes