Plano ngayon ng Maharlika Investment Corporation ang joint venture katuwang ang foreign investors upang makapagtayo ng telecommunication towers sa mga liblib na lugar.
Sa isang panayam, sinabi ni MIC President at CEO Rafael Consing, mahirap para sa kasalukuyang telecommunication companies na mamuhunan dahil nag-aalangan na ang mga ito na sumugal ng kanilang kapital.
Kaya aniya, ito ang pupunan ng MIC upang ma-roll out ang pagkakaroon ng telecom towers para sa satellite at telecom equipment sa lahat ng lugar sa bansa.
Paliwanag ni Consing, sa pamamagitan ng joint venture, magiging kliyente ang incumbent telecom companies sa bansa.
Maaari rin aniya na mangupahan ang mga kasalukuyang telecom upang mabawasan ang kanilang operating expense at masimulan ang kanilang pagseserbisyo sa mga liblib na lugar.
Ayon sa MIC chief, sinimulan na nila ang pakikipag-usap sa potential investors. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes