Nadakip na ng National Bureau of Investigation Cybercrime Division (NBI-CCD) ang isang lalaking sangkot sa pagta-tamper ng credit cards.
Ayon sa ulat, naaresto ng NBI-CCD ang suspek na si Jeffrey Abapo Arellano sa Parañaque City.
Bago naaresto ang suspek, ipinagbigay-alam ng Banco De Oro sa NBI ang pagkakasangkot ng organized crime syndicate sa isang kaso ng card switching scheme.
Isang delivery courier service umano ang nagbigay ng impormasyon sa BDO, kaugnay sa isa sa kanilang couriers ang inalok ng suspek para sa ilang credit cards kapalit ng monetary consideration.
Nagkasundo ang dalawa na magtagpo sa isang gasoline station sa Parañaque City para sa transaksyon.
Dinakip ng NBI-CCD agents ang suspek sa isinagawang entrapment operation.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumitaw na magkapatid ang suspek na si Jeffrey Abapo Arellano at ang delivery courier na si Michael Abapo Arellano. | ulat ni Rey Ferrer