Nakatakdang itayo sa bayan ng Bacnotan, La Union ang isang multi-sports court.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ito’y isa sa mga malalaking proyekto na isasagawa sa bayan sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, nakipagpulong si Bacnotan Mayor Divine Fontanilla sa mga empleyado ng opisina nina Senator Pia Cayetano at Senator Alan Peter Cayetano gayundin kay La Union 1st District Representative Paolo Francisco Ortega para sa proyekto.
Tiniyak ng tanggapan ng dalawang senador at ng kongresista ang kanilang tulong para maisakatuparan ang proyekto.
Maliban dito, nangako rin ang mga mambabatas na magkakaloob ang kanilang tanggapan ng tulong pinansiyal sa mga taga-Bacnotan.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng bayan, inaasahang makikinabang sa multi-sports facility hindi lang ang mga residente ng Bacnotan, kundi ang mga karatig nitong bayan, lalo na para sa mga kabataan.| ulat ni Glenda B. Sarac | RP1 Agoo