Tuloy-tuloy pa rin ngayong araw ang bentahan ng murang sibuyas sa Kadiwa Store ng Department of Agriculture (DA).
Bahagi ito ng inisyatibong Sagip Sibuyas ng DA Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) bilang tulong sa mga magsasaka ng Caranglan Garlic and Onion Farmers Association (CGOA) ng Nueva Ecija sa pagbebenta ng kanilang limang toneladang sibuyas.
Dito sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) sa Quezon City, iniaalok sa halagang ₱45 kada kilo ang puting sibuyas, habang ₱50 kada kilo sa pulang sibuyas.
Mas mura ito kung ikukumpara sa bentahan sa ilang palengke sa Metro Manila na naglalaro sa ₱80-₱100 ang kada kilo.
Available ang murang sibuyas sa mga Kadiwa Store sa Agriculture-Central Office, at sa United Laboratories, Inc. (UNILAB) Mandaluyong City. | ulat ni Merry Ann Bastasa