Naghain ng resolusyon ang ilang mambabatas sa Kamara sa pangunguna nina Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at Davao de Oro 2nd District Rep. Ruwel Peter Gonzaga, upang paimbestigahan ang nangyaring landslide sa Maco Davao de Oro kung saan hindi bababa sa 50 ang nasawi.
Salig sa House Resolution 1586, pinagkakasa ang angkop na komite ng inquiry in aid of legislation hinggil sa trahedya gayong tinukoy na ang lugar bilang “no build zone”.
Giit ni Tulfo, naiwasan sana ang pagkasawi ng buhay kung tamang naipatupad at sinunod ang no build zone.
Para kay Tulfo, dapat ay may mapanagot sa nangyaring insidente.
“What I cannot understand at this point is that this catastrophe could have been avoided if only laws were strictly implemented. Ang tanong, bakit may tao pa rin doon at hinayaan lang sila na manirahan sa lugar kahit na gumuguho ang lupa nito? Somebody has to take responsibility over this tragedy,” diin ng mambabatas.
Kasabay nito ay nanawagan din ang mga mambabatas sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isailalim sa review ang mga kasalukuyan nilang panuntunan kaugnay sa land use, environmental protection, at disaster risk reduction
“It is imperative to investigate the circumstances surrounding the landslide, including the factors that led to the violation of the “no build zone” policy and the enforcement mechanisms employed by the relevant authorities,” saad sa resolusyon. | ulat ni Kathleen Forbes