Patuloy na isinusulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mga pagbabago sa bansa sa tulong ng paggawa ng karagdagang mga Research and Development (R&D).
Ito ang inihayag ni NEDA Undersecretary for Policy and Planning Group Rosemarie Edillon sa ginanap na round table discussion sa House of Representatives kaugnay sa research paper na pinamagatang Productivity-enhancing Research and Development; Public Spending and Institutions.
Ayon kay Edillon, kung nais natin na isulong ang mga pagbabago kailangan ng malalim na pag-aaral sa tulong ng mga R&D na accessible para sa merkado at mga investor.
Isa aniya sa mga hakbang upang pataasin ang mga R&D output ay dagdagan ang bilang ng mga researcher.
Batay sa Global Innovation Index, nasa 174 researchers per million population lang ang mayroon tayo hanggang nitong 2018.
Dagdag ng opisyal, na target ng NEDA na palawakin ang scholarship program nito upang mas mapataas sa 500 researchers per million population pagdating ng 2028.
Kinakailangan din aniya ng knowledge management system para sa mga R&D output na upang mas maging madali na ma-access ng mga market player. | ulat ni Diane Lear