Aabot na sa mahigit 3,510 na pamilya o mahigit 14,000 na mga indibidwal ang apektado ng pagbaha at landlside bunsod ng walang tigil na pag-ulan sa Davao Region.
Ito ay batay sa pinakahuling report na inilabas ng Office of Civil Defense XI, kung saan may pinakamaraming apektado sa probinsya ng Davao de Oro na may 2,103 na pamilya o 7,883 na indibidwal.
Samantala, nasa 1,368 na pamilya o 6,368 na indibidwal naman ang naitalang apektado sa Davao Oriental at sa Davao City ay nasa 729 na pamilya o 2,113 na indbidwal pa lang ang naitala ng OCD.
Mula sa 3,510 na apektadong pamilya, 1,704 rito ay inilikas sa mga evacuation center.
Samantala, kahapon, kinumpirma ng Municipal Information Officer sa Caraga, Davao Oriental na si Marlon Palma Gil na may dalawang indbidwal ang natabunan ng landslide sa Sitio Pandaisan sa Barangay Pichon.
Sa ngayon, maraming mga daan sa dalawang probinsya ang hindi pa madaanan dahil sa pagbaha at landslide, kabilang na dito ang nasirang tulay sa Barangay PM Sobrecarey sa Caraga.
Patuloy pa ang OCD sa pangongolekta ng impormasyon mula sa LGUs sa buong rehiyon na apektado ng walang tigil na pag-ulang dulot ng trough of Low Pressure Area.
Namahagi na rin ng relief assistance ang mga LGU at DSWD sa mga bayang apektado ng kalamidad. | ulat ni Maymay Benedicto | RP Davao
📷: LGU of Caraga, Davao Oriental