Pinalawak pa ng Human Settlements Adjudication Commission ang digitalization initiatives nito sa pakikipagtulungan sa Land Bank of the Philippines.
Kasunod ito ng isinagawang paglagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng HSAC at Landbank para sa hassle-free na pagbabayad ng anumang transaksyon sa ahensya.
Pinangunahan nina HSAC Executive Comm. Melzar Galicia, Comm. Sergio Yap II, at Landbank SVP Delma Bendiola ang paglagda sa MOA na isinagawa kasabay ng ika-5 taong anibersaryo ng komisyon.
Sa ilalim nito, mas magiging madali at mabilis na ang pagbabayad ng legal fees ng mga kliyente ng HSAC sa pamamagitan ng LinkBiz Portal ng Land Bank.
Ayon kay HSAC Exec. Comm. Galicia, nakahanay ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa EO 170 tungo sa digitalisasyon.
Ipinunto rin ni HSAC Comm. Sergio Yap II na testamento ito ng kanilang commitment na makapaghatid ng dekalidad at maaasahang serbisyo sa publiko sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Kasunod nito, ibinida naman ng HSAC, na pangunahing nakatutok sa pagresolba ng human settlement disputes ang mga accomplishment nito sa nakalipas na limang taon kabilang na ang pagresolba sa higit 1,495 disputes mula sa nakabinbin na mga apela sa dating House and Land Use Regulatory Board at 96% na taunang affirmation rate sa mga desisyong naiaakyat sa Court of Appeals.
Nakapag-dispose na rin ang HSAC regional adjudication branches ng 1,158 na mga kaso habang 338 na mga apela ang naresolba na rin ng komisyon.
Ngayong 2024, patuloy aniyang itutulak ng HSAC ang pagpapabilis sa adjudication process nito at pagpapatupad ng bagong strategy plan hanggang 2028. | ulat ni Merry Ann Bastasa