Umakyat na sa higit Php527 million ang halaga ng humanitarian relief ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Develoment (DSWD) sa mga apektado ng pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa sa Davao Region, SOCCKSARGEN, at CARAGA.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DSWD Usec Edu Punay nasa higit 760, 000 na pamilya ang naapektuhan ng mga sakuna na ito, na patuloy na pina-aabutan ng tulong ng gobyerno.
Higit 393 million na food packs na ang naibigay ng tanggapan, habang Php141 million naman ang cash assistance ang naibaba na rin ng DSWD.
Nasa 34 na evacuation pa aniya ang kanilang binabantayan sa kasalukuyan, kung saan namamalagi ang higit 4, 000 indibidwal.
Sabi ng opisyal, kahit marami na ang mga nasalanta na nakabalik na sa kanilang tahanan, magtutuloy-tuloy lamang ang kanilang tanggapan sa pag-alalay sa muling pagbangon ng mga ito.
“Simula noong end ng January, talagang napakalaki ng mga numero na iyon sa evacuation center natin at tulad ng nabanggit ng ating mga local officials, unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ng mga kababayan natin sa mga apektadong lugar. Iyon nga lang, talagang kailangan nila ng tulong mula sa pamahalaan para makabalik sa kanilang mga paa – at nandito naman po ang DSWD na ginagampanan ang aming tungkulin.” —Usec Punay.| ulat ni Racquel Bayan