Isinailalim sa state of calamity ang 23 barangay sa lungsod ng Davao na apektado ng pagbaha at landslide dulot ng malakas na pag-ulan dahil sa trough of Low Pressure Area.
Inaprubahan ng 20th Davao City Council sa isinagawang regular session Martes ng umaga ang deklarasyon ng state of calamity kasabay ng pagpapalabas ng P84 million mula sa calamity fund ng lungsod para sa ibibigay na tulong sa mga biktima ng nakaraang kalamidad.
Ayon kay Councilor Myrna Dalodo-Ortiz, ang chairperson ng committee on finance, ways and means, aabot sa P84,350,000 ng Quick Response Fund ng lungsod ang inilaan para sa 16 na barangay na apektado ng baha kabilang na rito ang Brgy Lasang, San Isidro, Bunawan Proper, Brgy 1-A, 2-A, 5-A, 8-A, 9-A, 10-A, 19-B, Brgy Matina Crossing, Ma-a, Tigatto, Waan, New Carmen, at Tambobong at 7 barangay naman na apektado ng landslide kabilang na ang Marilog Proper, Salaysay, Tamugan, Lamanan, Saloy, Malabog, at Paquibato Proper.
Maliban sa P84 million na pondo, inaprubahan rin ng konseho ang P19 million na food at non food na tulong sa iba pang Local Government Units at P6.1 million na financial assistance sa iba pang probinsya.
Napag-alaman na nasa P188 million ang QRF ng lungsod para sa taong 2024 habang nasa P600 million naman ang nasa trust fund na magagamit rin sa kalamidad.
Ang nasabing trust fund ay natipong pondo mula sa natirang QRF sa nakaraang mga taon.
Samantala, sinabi naman ni City Social Welfare and Development Office Officer-In-Charge Julie Dayaday, na nasa 38,343 pamilya ang apektado ng baha habang 338 pamilya naman ang apektado ng landslide.| ulat ni Sheila Lisondra| RP1 Davao