Iginiit ni Senador Nancy Binay na nasa pagdedesisyon na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang magiging kapalaran ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF ELCAC).
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng rekomendasyon ni United Nations (UN) Special Rapporteur Irene Khan na buwagin na ang NTF ELCAC.
Ayon kay Binay, ang Pangulo pa rin ang mas nakakaalam tungkol sa problema ng insurgency sa bansa at ang iba pang bagay na may kinalaman sa national security.
Sinabi rin ng mambabatas na maaaring tanungin na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kung may halaga pa ang task force sa usapin ng pagpapababa ng insurgency at internal threats sa mga nakalipas na taon.
Ipinunto ni Binay na ang nature naman ng NTF-ELCAC ay pansamantala lang at nakay Pangulong Marcos na kung ikokonsidera niya ang rekomendasyon ni Khan.
Samantala, kung si Senate Minority Leader Koko Pimentel naman ang tatanungin, maaaring dagdag sa pagkonsidera ng pag-abolish sa NTF-ELCAC ay ang napansin niyang mahirap i-liquidate ang pondo nito. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion