Muling nanawagan si DILG Secretary Benhur Abalos sa local government units na mahigpit na ipatupad ang ban sa mga tricycle at pedicab sa national highways.
Ginawa ni Abalos ang apela kasunod ng nangyaring banggaan ng isang pampasaherong bus at tricycle sa national highway sa Labo, Camarines Norte noong Pebrero 4.
Nagpaalala si Abalos na may inilabas nang Memorandum Circular ang DILG noong Pebrero 2020 na nagbabawal sa ganitong uri ng mga sasakyan sa mga highway.
Batay sa ulat ng Metro Manila Accident and Reporting System, noong 2022, aabot sa 2,829 road accidents ang naitala na kinasasangkutan ng mga bisikleta, e-bikes at pedicabs.
Hiwalay pa dito ang 2,241 road accidents na kinasasangkutan naman ng mga tricycle.
Pinuri naman ng kalihim ang munisipalidad ng San Mateo sa Rizal na mahigpit nang ipinatupad ang pag-ban sa e-bikes, tricycles at pedicabs sa national roads na simula kahapon. | ulat ni Rey Ferrer