Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw (February 6) na tuloy-tuloy na ang ginagawang pagbabayad ng Kingdom of Saudi Arabia (KSA) sa claims ng overseas Filipino workers (OFWs) na hindi pa nakukuha ang sweldo, mula nang ma-bankrupt ang mga kumpaya na pinagta-trabahuhan ng mga ito sa Saudi, noong taong 2015 at 2016.
Sa maikling mensahe ng Pangulo, sinabi nito na nasa 1,104 na claims na ang naproseso ng Overseas Filipino Bank at Land Bank.
Ang halaga ng cheke na nai-release na ay nasa higit P868 million.
“Nais ko lang balitaan ang ating mga OFW na galing sa Saudi na patuloy na ang pagbayad ng insurance ng Saudi Arabia sa mga empleyado ng mga kumpanyang nabangkarote na nag-file ng claim sa insurance. Naka-process na ang Overseas Filipino Bank at Land Bank ng 1,104 Alinma Bank Indemnity Cheque. Alinma Bank ‘yung ginagamit sa Saudi Arabia,” —Pangulong Marcos Jr.
Ayon sa Pangulo, nasa 843 na tseke na nailabas na at na-credit na sa mga claimant na OFWs.
“Ang halaga ng mga na-release na tseke is P868,740,544 na nai-release na; 1,014 ang na-clear na at credited, ‘yung 843 doon nabayaran na,” —Pangulong Marcos
Kung matatandaan, personal na ipinangako ni Saudi Crown Prince Mohammed Bin kay Pangulong Marcos ang pagbabayad na ito sa claims ng OFWs, sa naging pulong noong November, 2022 sa sidelines ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand.
“Patuloy nga ang pangako ng Crown Prince ng Saudi Arabia — ang pangako niya sa atin na ibabayad nila yung insurance claims. Kaya’t magandang balita ito para sa ating mga OFW sa Saudi,” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan