Tuloy-tuloy hanggang sa February 14, Araw ng mga Puso, ang gagawing paghahatid ng mga relief supply ng dalawang C-130 aircraft ng US Military sa mga biktima ng pagbaha at landslide sa Davao at Caraga Region.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Colonel Xerxes Trinidad, nakapaghatid kahapon ang dalawang eroplano ng 4,800 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao.
Ang mga food pack ay inilipad ng mga C-130 mula sa Maynila patungo sa Davao International Airport sa tig-dalawang sortie, bago inilipat sa mga trak ng militar para maipamahagi.
Nakatakdang magsagawa ng tig-12 sortie ang naturang mga eroplano para makapaghatid ng kabuuang 15,000 food packs sa mga apektadong komunidad.
Ayon kay Col. Trinidad, ang sabayang operasyon ng US military at AFP sa pagsasagawa ng humanitarian assistance at disaster relief ay testamento ng mahusay na kooperasyon ng dalawang pwersa, na ipinakita din sa nakalipas na Maritime Cooperative Activity. | ulat ni Leo Sarne
📸: AFP-PAO