Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang mahigpit na pagpapatupad ng batas na nagbabawal sa hindi awtorisadong paggamit ng uniporme ng pulis.
Ito’y kasunod ng insidente ng panloloob sa isang pawnshop sa Koronadal City kung saan dalawa sa mga suspek ay may suot na PNP athletic shirt.
Pinasusuri na rin ni Gen. Acorda kung mayroong PNP Certificate of Conformity ang mga tindahan at mananahi na nagpapahintulot sa mga ito na magbenta ng PNP uniforms at iba pang gamit ng pulis.
Babala pa ng PNP chief na posibleng makulong ng hanggang anim na taon ang mga sibilyang mahuhuling nagsusuot ng uniporme ng PNP alinsunod sa Article 179 ng Revised Penal Code.
Bukod pa ito sa kasong kahaharapin kung gagamitin naman ang uniporme ng pulis sa paggawa ng krimen. | ulat ni Leo Sarne