Naniniwala ang mga Kongresista mula Mindanao na walang magandang maidudulot ang paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas.
Ayon kay House Majority Leader Manuel Jose ‘Mannix’ Dalipe na kinatawan din ng Zamboanga City 2nd district, mas lalo lang maiiwan ang Mindanao kung ito ay ihihiwalay sa Pilipinas.
“…right now we’re good and I don’t see any benefit for this country, for Mindanao to separate, tapos pag titingnan mo ng buo, hindi maganda sa ekonomiya na hihihiwalay yung Mindanao, maiiwan e. I still believe that we, it is of more benefit that Mindanao be part of this republic. Pag humiwalay siya, madidihado pa,” saad ni Dalipe.
Ganito rin ang sentimiyento ni Camiguin Rep. JJ Romualdo.
Pagbibiro pa nito na kung itutuloy ang pagkalas ng Mindanao ay babalik na lamang aniya ang Camiguin sa Visayas.
Para naman kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, kailangan na masusing pag-aralan ang suhestyong ito.
Aniya, bukas naman siya kung talagang magdadala ito ng kasaganaan sa rehiyon ngunit para sa mambabatas, hindi ito ang prayoridad at hindi ito ang tamang panahon para pag-usapan ito.
“Personally, my opinion is that I don’t want to shoot it down right away. Because pag-aralan, tingnan natin, if this will redound to more benefits for the people, bakit naman hindi? But as it is today, medyo sa tingin ko malabo pa. Malabo pa yun. At because malabo pa yan at hindi yan ang ating priority, dapat siguro pag-usapan natin muna yung more important matters at hand,” giit ni Barbers.
Sa panig naman ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, dapat ay itigil na ang ganitong mga mungkahi dahil mas nais aniya nila ng isang matatag at nagkakaisang Pilipinas.
Sabi pa ni Rodriguez na dapat ay bigyan ng pagkakataon ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pamunuan ang buong bansa at tugunan ang mga pangangailangan ng Mindanao
“…let’s give a chance to this administration with President Bongbong Marcos who is inclusive, including Mindanao, to be able to provide, to fulfill the promise of Mindanao. And I am confident that with the President, we will be able to increase more budget, especially regarding the budget process for next year… To stop this kind of, you know, trying to, you know, have a heated, you make our people, you know, go on this and think about it,” sabi ni Rodriguez.| ulat ni Kathleen Forbes