Maituturing na malaking dagok o kawalan para sa Dawlah Islamiyah ang pagkakasawi ng kinikilala nitong Amir na si Khadafi Mimbesa o kilala rin sa alyas na “Engineer”.
Ito’y makaraang kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakapatay kay Mimbesa sa nakalipas na engkwentro ng mga terorista sa militar.
Batay anila ito sa naging testimonya ng isang high-value member ng Dawlah Islamiyah – Maute Group na si alyas Khatab na una nang sumuko sa 2nd Mechanized Brigade ng Philippine Army.
Sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo ngayong araw, sinabi ni AFP Spokesperson, Col. Francel Padilla na ngayon pa lamang ay may leadership vaccum na ang DI.
Kaya naman patuloy na ang paghina ng teroristang grupo dahil sa malaking pagkalagas sa kanilang grupo.
Gayunman, sinabi ni Padilla na hindi pa rin sila magbababa ng kalasag dahil pinaghahandaan nila ang posibleng paghihiganti ng mga nalalabing miyembro nito.
Nagpapatuloy aniya ang pagtugis sa iba pang kasamahan ni Mimbesa na siyang itinuturong utak ng pagpapasabog sa MSU gayundin sa iba pang nasa likod ng karumal-dumal na krimen. | ulat ni Jaymark Dagala