Naipaabot na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang pagbati kay Indonesian Defense Minister Prabowo Subianto, na nangunguna sa presidential elections ng Indonesia, sa pamamagitan ng isang telephone call.
Sa naging pag-uusap ng dalawang lider, nangako ang mga ito na patatatagin pa ang bilateral ties ng dalawang bansa.
Ginamit ni Pangulong Marcos ang pagkakataon upang bigyang diin na nananatiling matatag ang 70 taon na ugnayan ng dalawang bansa na pormal na nagsimula noong November 24, 1949.
Tulad aniya sa ilalim ng termino ni Indonesian President Joko Widodo, nais na rin ng Pangulo na makaharap si Prabowo upang talakayin ang mga posibilidad sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.
“That might be a good idea. Yes, there are many areas (that) opened up. The traditional ties has grown stronger over 70 years. In the recent years, President (Joko) Widodo explored many new possibilities. I would be very interested to meet with you to go into some details,” — Pangulong Marcos.
Partikular na binanggit ng Pangulo ang pagiging bukas ng Pilipinas na makabalikat ang Indonesia, lalo na sa usapin ng energy transition, green metals at energy production, lalo’t ilang Indonesian companies na ang namuhunan sa bansa.
Sa panig naman ng Indonesian Defense Minister, una na nitong sinabi na inaasahan na niya ang pakikipagtulungan sa Marcos Administration, bilang bahagi ng pagpapatatag ng ugnayan ng dalawang bansa.
“I am looking forward to work with you. Philippine-Indonesia relationship have many common interests. I like to know what you are thinking. I hope to meet you as soon as possible,” — HE Prabowo.
Tiniyak rin ng Indonesia official na payayabungin pa nito ang mga nasimulan na ni President Widodo, at umaasa rin ito na personal nang makaharap si Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan