Hinikayat ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang mga Regional Directors at District Office chiefs na dagdagan pa ang mga iniaalok na libreng Theoretical Driving Course (TDC).
Ayon kay Asec. Mendoza, nakaangkla ito sa adhikain ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Paliwanag nito, maaaring tutukan sa libreng TDC program ang mga nais mag-apply ng student permits.
“Our outreach program is a way of giving back to our kababayan for their support to the LTO in achieving goals and programs last year,” ani Asec. Mendoza.
Magbibigay daan din aniya ito upang dumami ang responsableng mga motorista sa daan.
“Ito rin ay naka-align sa adhikain ng ating DOTr Secretary Jaime Bautista na gamitin ang platapormang ito para mag-produce tayo ng mas maraming responsableng driver sa daan sa pamamagitan ng mga bagong henerasyon ng mga motorista,” dagdag pa ni Mendoza.
Maaari naman aniyang makipagtulungan ang mga RDS at District Office heads sa mga local government units para mapalawak pa ang mga libreng TDC na maaari ding may kalakip na information drive sa road safety.
Ngayong Pebrero, may nakaiskedyul nang libreng TDC kabilang sa apat na barangay sa Marikina mula February 10-11, 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa