Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasanay ng kanilang mga tauhan sa mga himpilan ng pulisya sa pag-iimbestiga ng mga cyber crimes.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, ito ay para makapagtatag ng mga cyber security desks sa bawat istasyon, alinsunod sa kautusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra sa cybercrime.
Ayon kay Fajardo, ang Regional Anti-Cybercrime Units (RACU) ang nagbibigay ng training tungkol sa mga nauusong cybercrime at kung paano i-handle ang imbestigasyon sa mga ito.
Sa ngayon aniya ay nakatapos na ng pagsasanay ang 52 pulis mula sa Police Regional Office (PRO) 4A, at naka-linya na rin ang mga pulis sa iba pang rehiyon na sumalang sa pagsasanay ng iba’t ibang RACU.
Ayon kay Fajardo, sa unang buwan pa lang ng taon, nakapagtala na ang PNP ng 598 na kaso ng online scam, 305 kaso ng illegal device access, at 109 na kaso ng computer-related identity theft. | ulat ni Leo Sarne