Pormal na nanungkulan bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng PNP ngayong araw si PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Emmanuel Peralta.
Sa kanyang mensahe sa Flag-raising Ceremony sa Camp Crame ngayong umaga, pinaalalahanan ni Lt. Gen. Peralta ang mga pulis ng kanilang pangunahing tungkulin bilang tagapagpatupad ng batas sa gitna ng mga kaganapan sa politika sa mga nakalipas na buwan.
Binigyang diin ni Peralta na ang katapatan ng mga pulis ay dapat nakasentro sa pagtataguyod ng konstitusyon, at pagsuporta sa pamahalaan at sa Commander in Chief.
Nagpasalamat naman si Peralta sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa pagkakatalaga sa kanya sa pwesto.
Kasabay ng pag-angat sa pwesto ni Peralta, umangat din sa posisyong binakante ni Peralta si Police Maj. General Jon Arandia Arnaldo, bilang Chief of Directorial Staff, ang pang-apat na pinakamataas na pwesto sa PNP. | ulat ni Leo Sarne