Tutungo na sa West Philippine Sea (WPS) ang legal team ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagsasagawa ng imbestigasyon at assessment sa napaulat na cyanide fishing sa lugar.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera, na tututukan na nila ang pagkuha ng opisyal na salaysay o sworn affidavit ng mga mangingisda na pinagmulan ng ulat.
Bukod dito, binubuo na rin nila ang kanilang team ng marine scientist o technical experts na sila namang magsasagawa ng marine habitat assessment sa lugar.
Ayon sa opisyal, bukas ang kanilang tanggapan sa iba pang institusyon na nais makipagtulungan para sa ikabibilis ng paga-aral kaugnay sa napaulat na cyanide fishing o dahilan ng pagkasira ng coral reefs doon.
“Nandiyan na siyempre ang UP Marine Science Institute, ang National Fisheries Research Development Institute. So bukas po ang BFAR na makipagbalikatan sa mga ahensiyang ito nang sa ganoon ay magkaroon tayo ng komprehensibong pag-aaral at makita natin iyong mga kongkretong resulta ng pag-aaral na maikakawing natin upang maipaliwanag iyong nakitang kasiraan doon sa lugar.” -Spox Briguera | ulat ni Racquel Bayan