Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na maging mas strategic sa procurement ng communications equipment nito, upang mas mapaigting pa ang interoperability ng hanay nito lalo na sa emergency and crisis situations.
Sa PNP Command Conference na pinangunahan ng Pangulo sa Quezon City ngayong araw, binigyang diin nito ang pangangailangan na magkaroon ng magandang communication system sa hanay ng PNP.
“We really need to come up with a plan to improve the communications capability of PNP. You cannot do your job without being able to communicate because mag-aantay kayo ng instructions, magre-report kayo sa central office, et cetera,” -Pangulong Marcos.
Kailangan aniya na maging mabilis ang batuhan ng impormasyon lalo na disaster response.
“We have to be able to communicate to each other, lalung-lalo na dito sa mga disaster response. Kailangan alam natin kung ano ‘yung situation on the ground. Kailangan ‘yung nandoon na pulis, makapag-report kaagad na may nangyari, ganito yung situation, ito yung kailangan namin,” –Pangulong Marcos.
Pinasisiguro ng Pangulo kay PNP Chief General Benjamin Acorda Jr. na mag-secure ng plano para sa improvement ng kanilang communications capacity, lalo’t nababahala ang Pangulo sa napaulat na low equipment capacity ng PNP.
“So that’s something that, I think, we need to look into very well, kasi ‘yung fill-up mababa masyado. Even digital radio, tactical—hindi tayo umabot ng 40 percent in any of the categories,” —Pangulong Marcos,
Base sa datos nitong February 14, ang PNP ay malayo pa sa pagpuno kahit sa kalahati pa lamang ng communication equipment requirement nito.
“Napag-usapan namin ni General Acorda yan in our sectoral meeting that our procurement must be all standardized so that the interoperability is clear,” —Pangulong Marcos.
Nasa 32.05% pa lamang ang napunan para sa digital radio, 33.98% para sa tactical radio at 2.48% para sa satellite phones.
Nakatakda pang kumpletuhin ng PNP ang pagbili nito ng 18 units na conventional repeaters na nagkakahalaga ng P54 million at 80 units ng satellite phones na nagkakahalaga naman ng P6.5 million under the CEO 2023.
“Kahit ‘yung pulis malipat sa ibang lugar, pareho pa rin ang gamit, pareho pa rin ang procedure, pareho pa rin ang sistema. So, I think that’s very important thing: there has to be consistency,” —Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo sa mga opisyal ng PNP, na pag-aralan pa ang paggamit ng ibang communication equipment na angkop sa mga local situation lalo’t ang teknolohiya naman aniya ay mas nagiging abot-kaya at bumubuti pa.
“The advantage that we have is that technology is getting cheaper. Satellite phones are getting cheaper. All kind of communications equipment are getting and better,” —Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan