Lusot na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ang House Bill 9859 o panukala na ilibre ang mga indigent examinees sa pagbabayad ng exam fee ng Professional Regulation Commission at Civil Service Commission.
Sa kasalukuyan, mayroong P900 na singil para sa mga kukuha ng PRC licensure exam at P500 naman para sa CSC exam.
Para maging kwalipikado, kailangan na magpresenta ng certificate of indigency mula DSWD.
Maaari naman i-avail ang libreng exam isang beses isang taon.
Nilalayon ng panukala na mabawasan ang gastos ng mga mahihirap ngunit kwalipikado namang indibidwal na nais kumuha ng board exam.
Samantala, sa botong 234 na pabor ay aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9764 na nagsusulong na gawing 5 taon ang “validity period” ng professional identification cards o PICs, na nasa ilalim ng Professional Regulation Commission o PRC.
Sa paraang ito ay mababawasan ang “renewal transactions” kada taon, at mapagaan din ang “pressure” sa appointment system.
Bahagi rin ito ng pagtalima sa Ease of Doing Business, at Anti-Red Tape Law. | ulat ni Kathleen Jean Forbes