Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa panukala na bigyan ng karagdagang tulong ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na buntis at ina na may inaalagang sanggol upang matugunan ang malnutrisyon.
Ito ang inihayag ni DSWD Secretary Rex Gatchalian sa ginanap na press briefing sa Malacañang ngayong araw.
Ayon kay Gatchalian, ito ay sa ilalim ng panukalang “First 1000 Day” grant kung saan ang mga buntis at ang mga ina na may anak na dalawang taong gulang ay magkakaroon ng panibagong grant.
Nagpahayag aniya ng pagsang-ayon ang Pangulo sa nasabing ideya kayat nagbigay na ito ng direktiba na pag-aralan ng DSWD ang panukala at makipagtulungan sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng insentibo ang mga benepisyaryo para sa health-seeking behavior kung saan mapipilitan silang pumunta sa health center, magparehistro, kumuha ng pre-at post-natal care, at post-partum treatment, pati na rin ang pagbababakuna para sa kanilang mga anak na zero hanggang dalawang taon gulang.
Nilinaw naman ng DSWD na ito ay temporary grant lamang hanggang sa matapos ng mga benepisyaryo ang nasabing panahon. | ulat ni Diane Lear