Namahagi ang Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) ng mga patient transport vehicle sa sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at mga pampublikong ospital sa bansa.
Ayon sa PCSO, umabot sa 114 na mga ambulansya ang naipamahagi ng ahensya nitong Disyembre 2023 sa ilalim ng Medical Transport Vehicle Donation Program.
Pinangunahan ni PCSO General Manager Mel Robles ang pamamahagi ng naturang mga sasakyan kasama ang ilang opisyal ng ahensya.
Sa mensahe ng opisyal, inihayag nito na bahagi ito ng layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na maihatid sa bawat mamamayan ang serbisyo publiko ng pamahalaan.
Sa pamamagitan aniya ng mga ambulansya, matutugunan ang pangangailangan ng ating mga kababayan na may sakit at kailangan na agarang madala sa mga pagamutan.
Hinikayat din ng PCSO ang mga lokal na pamahalaan at mga institusyon na makipagtulungan sa kanilang tanggapan para sa iba pang programa at serbisyo ng ahensya.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga lokal na pamahalaan at mga pampublikong ospital na tumanggap ng ambulansya mula sa PCSO.
Anila, malaking tulong ito sa kanilang bayan lalo na sa mga lugar kung saan malayo ang mga ospital. | ulat ni Diane Lear