Ininspeksyon ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr. ang mga installation ng Phil. Navy sa Palawan at Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea (WPS) na mahalaga sa maritime security ng bansa.
Ito ay kasabay ng isinagawang dalawang araw na First Quarter Command Conference sa Naval Forces West sa Puerto Princesa City, Palawan noong Huwebes at Biyernes.
Dito ay nagkaroon ng assessment sa papel ng Phil. Navy sa External Defense Operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC).
Kabilang sa mga external Defense Installation na ininspeksyon ni VAdm. Adaci ang Naval Station Carlito Cunanan, Naval Detachment Oyster Bay, at 3rd Marine Brigade headquarters.
Binisita din ni VAdm. Adaci kasama ang mga matataas na opisyal ng Phil. Navy at Multi-sectoral stakeholders ang Pag-asa Island at iba pang naval detachments sa Kalayaan Island Group para maghatid ng supplies, kumustahin ang mga tropa, at tingnan ang mga kasalukuyan at nakaplanong proyekto ng Phil. Navy. | ulat ni Leo Sarne
Photos: NFW PAO