Pinarangalan ng 10th Infantry Division ang mga Philippine Army personnel na naging bahagi ng Disaster Response and Rescue Operations sa landslide na naganap sa Zone 1, Masara, Maco, Davao de Oro.
Ang awarding ceremony sa Camp Gen. Manuel T. Yan Sr., Mawab, Davao de Oro kahapon, Pebrero 19 ay pinangunahan ni 10ID Commander Major General Allan D Hambala.
Dito’y tumanggap ng mga medalya ang 109 na tauhan at K-9 dog mula sa 525th Engineer Combat Battalion, 10ID Emergency Response Company, 25th Infantry Battalion, at 11th Regional Community Defense Group.
Sa kaniyang pahayag, pinasalamatan ni Gen. Hambala ang lahat ng kanilang mga tauhan na walang-pagod na tumulong sa search, rescue, and retrieval operations sa Barangay Masara, na nagresulta sa pagkakaligtas ng 32 sugatang biktima at pagkakarekober ng labi ng 93 nasawi sa insidente.
Ang mga tauhan ng 10ID ay kabilang sa mga first responder nang maganap ang landslide sa Masara noong Pebrero 6. | ulat ni Leo Sarne
📷: 10ID