Nanindigan ang Pilipinas na wala itong nilalabag na anuman sa ginawang pagpapatrolya nito kasama ang Amerika sa West Philippine Sea.
Ito ang sagot ng National Security Council sa alegasyon ng China na pinalalala lamang umano ng Pilipinas ang tensyon sa naturang karagatan sa pamamagitan ng pagpapatrolya nito sa karagatan kasama ang Amerika.
Ayon kay National Security Adviser Secretary Eduardo Año, ang joint patrols sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay may ligal na batayan alinsunod sa itinatadhana ng International Law.
Giit pa niya, bilang malayang bansa, may karapatan ang Pilipinas na makipag-ugnayan sa iba pang mga kaalyadong bansa nito para itaguyod ang soberenya gayundin ang maritime security.
Muli ring iginiit ni Año na kinikilala mismo ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang mga karapatan ng Pilipinas sa katubigang nasasakupan nito.
Marapat lamang ani Año na bantayan at pangalagaan ito ng Pilipinas katuwang ang mga bansang kaibigan at kaalyado nito. | ulat ni Jaymark Dagala