Iginiit ni Senador Sonny Angara na pinapayagan ang pagsasagawa ng plebesito kasabay ng eleksyon at may nauna nang desisyon ang Korte Suprema dito.
Ito ang naging tugon ni Angara, na siyang namumuno sa pagtalakay ng Resolution of Both Houses no. 6 o Economic Cha-Cha, sa naging pahayag ni Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia tungkol sa pagsasagawa ng plebesito kasabay ng 2025 Elections.
Binigyang-diin rin ni Angara na malaki ang matitipid na pera ng pamahalaan kung gagawin ang plebesito kasabay ng halalan sa 2025.
Ang tanging itinatakda aniya ng Konstitusyon ay ang pagsasagawa ng plebesito, 60 hanggang 90 araw matapos aprubahan ang panukalang amyenda.
Una nang sinabi ni Angara na sisikapin nilang tapusin at maaprubahan ang panukalang Economic Cha-Cha bago mag-Oktubre para maimprenta ito ng COMELEC. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion