Binilinan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang lahat ng pulis na huwag makinig sa ingay politika.
Ito ang sinabi ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa pulong-balitaan sa Camp Crame kahapon.
Ayon kay Col. Fajardo, inatasan ng PNP Chief ang mga Police Regional Director na ipaalala sa kanilang mga tauhan na manatiling nakatutok sa kanilang misyon at huwag magpa-apekto sa mga kaganapan sa politika.
Sa kanyang panig, pinayuhan naman ni Fajardo ang publiko na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga nasasagap na tsismis na may kinalaman sa politika.
Kasabay nito, pinasinungalingan ni Fajardo ang mga lumulutang na espekulasyon na may namumuong coup d’etat sa administrasyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin ni Fajardo na mismong si Gen. Acorda ang nagbigay ng katiyakan na walang na-monitor ang PNP na destabilization plot laban sa kasalukuyang administrasyon. | ulat ni Leo Sarne