Ipinaabot ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang pakikidalamhati ng buong PNP sa pamilya ng nasawing pulis sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga pwersa ng gobyerno at teroristang komunista sa Bilar, Bohol noong nakaraang linggo.
Sa isang pahayag, kinilala ng PNP chief ang dedikasyon at katapangan ni Police Corporal Gilbert Amper sa pagtupad ng kaniyang tungkulin para sa bayan.
Nasawi si Corporal Amper matapos mauwi sa bakbakan ang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa itinuturing na Top NPA leader sa Bohol na si Domingo Compoc.
Isa ring pulis ang nasugatan sa nasabing operasyon.
Sa kabila ng insidente, itinuturing ng PNP na nakapaghatid ang pamahalaan ng malaking dagok sa kilusang komunista. | ulat ni Leo Sarne