Kinumpirma mismo ni Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanilang Command Conference ngayong araw.
Ganap na alas-11 ng umaga isasagawa ang Command Conference sa Multi-Purpose Center sa Kampo Crame kung saan, kabilang sa mga dadalo ang lahat ng mga opisyal ng PNP.
Sa mensaheng ipinaabot ng PNP chief, walang kakaiba bagkus regular lamang itong Command Conference kung saan, inaasahang mag-uulat ang PNP sa Pangulo hinggil sa sitwasyong pang-seguridad.
Kasunod nito, inaasahan ding magbibigay direktiba ang Pangulo sa PNP na may kinalaman sa pagtitiyak nito ng kapayapaan at kaayusan ng bansa.
Nabatid na ito ang kauna-unahang pakikipag-usap ng Pangulo sa hanay ng PNP para sa taong ito. | ulat ni Jaymark Dagala