Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na ipinatupad lang nila ang batas trapiko sa pagharang ng ilang grupo na lalahok sana sa aktibidad sa Edsa People Power Anniversary kahapon.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, pinaliwanag ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na hinarang ang mga jeep na mula Batangas, Laguna at Cavite na sinasakyan ng mga dadalo sana sa rally sa Metro Manila, dahil out of line ang naturang mga jeep.
Binigyang diin ng PNP Chief na hindi intensyon ng pulisya na i-supressed o hadlangan ang pagdalo ng mga ito sa pampublikong okasyon.
Kasunod nito, Iniulat din ng PNP Chief na naging mapayapa ang mga isinagawa at namonitor nilang mga kilos protesta sa Metro Manila maging ang isinagawang prayer rally sa Cebu City.
Una nang nagdeploy ng mahigit 6 na libong pulis ang PNP para bantayan ang mga aktibidad sa Maynila at mahigit 2 libo naman sa Cebu. | ulat ni Leo Sarne