Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na kanilang ipatutupad ang patas at walang kinikilingang pagtrato sa mga pulis na nasasangkot sa iba’t ibang kaso.
Ang pagtiyak ay ginawa ni Col. Fajardo kasunod ng hatol ng korte sa limang dating pulis na sangkot sa pagkamatay ni Jemboy Baltazar.
Ayon kay Col. Fajardo, bahagi ito ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang tiwala ng publiko sa integridad ng kanilang hanay at sa pamamahala ng hustisya sa bansa.
Nauna nang sinabi ni Col. Fajardo na nirerespeto ng PNP ang desisyon ng Navotas RTC laban sa mga na-dismiss na pulis na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo.
Magsisilbi aniya itong aral at eye-opener sa mga pulis na mahigpit na sumunod sa umiiral na Police operational procedures upang hindi na maulit ang naturang insidente. | ulat ni Leo Sarne