Walang na-monitor na seryosong banta ang PNP sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-38 na anibersaryo ng People Power Revolution sa Pebrero 25.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., kasabay ng pagtiyak na nakatutok ang PNP sa pag-monitor sa mga grupong inaasahang magsasagawa ng mga kilos protesta sa araw na iyon.
Nasa 8,500 na mga pulis ang nakatakdang ipapakalat ng Philippine National Police para sa okasyon, kung saan 2,500 pulis ang ide-deploy sa Cebu, at humigit-kumulang 6,000 sa Metro Manila.
Sinabi ni Acorda na ang naturang bilang ng mga pulis na ide-deploy sa naturang araw ay posible pa ring magbago depende sa magiging intelligence report na makakalap ng pulisya.
Samantala, binilinan naman ni Gen. Acorda ang mga pulis na magpapatupad ng maximum tolerance, kasabay ng panawagan sa mga grupong makikiisa sa mga kilos protesta na panatilihing mapayapa ang kanilang aktibidad. | ulat ni Leo Sarne