Matagumpay ang ginawang pagbubukas ng kauna-unahang Pangasinan Polytechnic College (PPC) kasabay ng pormal na paglagda sa kasunduan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, kasama ang pamunuan ng PPC sa isang partnership sa pagitan ng Colleges & Institutes Canada (CICan) isang non-for-profit corporation at pinakamalaking asosasyon ng pampublikong kolehiyo, polytechnics, CEGEPs at institusyon sa Canada.
Pinangunahan ni Pangasinan Governor Ramon Guico III, Vice Gov. Mark Lambino, PPC Interim President Dr. Raymundo Rovillos, at CICan Manager Camille Joseph Khoury at Senior Program Milica Njegovan ang aktibidad na ginanap sa Narciso Ramos Sports and Civic Center kahapon, February 15, 2024.
Sa naging talumpati ng gobernador, pinasalamatan nito ang mga naging bahagi ng pagtatag ng PPC at maging ang hanay ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Mark Lambino.
Sa mensahe naman ni Dr. Raymundo Rovillos, Interim President PPC, iginiit na ang pinakaimportanteng layunin ng pagtatag ng PPC ay mapataas ang bilang ng mga indigent Pangasinense na mabigyan ng mas mataas na edukasyon.
Isa sa major institutional programs ng PPC ang Center for Lifelong Learning (Cell) kung saan mayroong alok na TESDA accredited course, micro credentials at ilan pang short courses na magbibigay ng pangmatagalan kaalaman at edukasyon.
Nasa 100 na anak ng mga 4PS member ang unang mag-aaral sa PPC na magsisimula sa huling linggo ng Marso o unang linggo ng Abril.
Ayon sa Provincial Government, ang kasunduan ay magbigay ng oportunidad sa PPC at PGP.
Ang aktibidad ay sinaksihan ng mga opisyales mula sa ilang institusyon gaya ng University of the Philippines, Pangasinan State University, World Citi Colleges, CHED Regional Director Christine Ferrer, mga opisyales at Department Heads ng probinsya.
Target din ng administrasyon na makapagtayo ng tatlong campus ng PPC kabilang na sa lungsod ng San Carlos at eastern part ng Pangasinan. | ulat ni Verna Beltran-RP Dagupan