Nais ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo na isailalim sa review ng Kongreso ang prangkisa ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) dahil sa palpak nitong serbisyo.
Sa pulong na pinatawag ng House Committee on Energy, salig sa resolusyong inihain ng mga kongresista mula Palawan, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez, hindi napigilan ni Tulfo na ilahad ang pagkainis sa PALECO.
Si Tulfo ay lumaki sa Palawan.
Aniya, bata pa lang siya, problema na ng PALECO ang palagiang brownout.
“Taga doon po ako. I was raised in Palawan, I was there since 1972. Alam ko na binuksan kayo nung 1974, same freaking problem up to now, 2024 na po tayo. Same problem, brownout. I think it’s high time that the Committee on Franchise will have to review the franchise of PALECO. We need to get rid of this company. Since 1974, people of Palawan have been suffering the same problem over and over again,” sabi ni Tulfo
Pinuna din ng mambabatas kung bakit pinayagan ng ERC ang PALECO na magtaas ng singil sa kuryente noong December 2023.
Mula sa P13.67 na singil, itinaas ito sa P14.71 per kilowatt hour.
“Saan kayo kumukuha ng kapal ng mukha? Lagi kayong brownout tapos mag-i-increase pa kayo? How can you do that? Hindi ba kayo nahihiya sa mga taga-roon? Bakit pinapayagan ng ERC yung increase? Ang pangit na nga ng serbisyo tapos inaaprubahan ang increase,” giit ni Tulfo.
Si Palawan 2nd District Rep. Jose C. Alvarez naman sinab na dapat nang magbitiw ang mga opisyal ng PALECO dahil ayaw pa ring umamin sa pagkukulang.
“Tinutulungan namin kayo dito sa Kongreso para solusyunan ang problema, pero hindi niyo inaamin na may pagkukulang kayo, so paano namin kayo tutulungan? Dapat siguro mag-resign na kayo,” saad ni Alvarez.
Paliwanag naman ni PALECO General Manager Engr. Rez Contravida, kung ang transmission ang pumalya na nasa pamamahala aniya ng National Power Corporation (NAPOCOR) ay talagang umaabot ng limang oras ang power interruption.
Hiling din ng PALECO sa Kongreso at pamahalaan na maibalik sana ang subsidiya na ibinibigay sa member-consumers-owners ng off-grid electric cooperatives gaya ng PALECO.| ulat ni Kathleen Forbes