Pinangunahan ni Davao Oriental Governor Niño Uy ang pagbibigay ng komprehensibong report kay Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglulunsad nito ng situation briefing kaugnay sa epekto ng shear line at Low Pressure Area (LPA) sa Davao Oriental na ginanap kahapon Ferbruary 7, sa Davao City.
Ipinakita ni Governor Uy sa Presidente ang summary ng epektong dulot ng kalamidad. As of February 2, 2024, umabot sa 131,345 pamilya ang apektado ng shear line, habang 82,763 pamilya ang apektado ng LPA. Nasa kabuoang ₱351,601,712 ang pinsala sa agrikultura dahil sa shear line, habang nasa ₱44,361,661.30 ang napinsalang pananim dahil sa LPA. Sa mga imprastraktura naman ng probinsiya, umabot sa ₱498,739,000 ang iniulat na pinsala sa mga ari-arian.
Sa pangkalahatan, mayroong 1,616 na partially o totally damaged na mga kabahayan dahil sa shear line at 932 kabahayan ang nasira dahil sa LPA.
Bilang suporta sa probinsya, nagbigay si Presidente Marcos Jr. ng ₱30-milyong piso kay Governor Uy bilang tulong pinansyal para sa pagbangon ng Davao Oriental.
Ang pamahalaang probinsiyal, sa pamamagitan ng liderato ni Gobernador Uy, ay patuloy sa pagsisikap para makapagpadala ng tulong sa mga residente ng buong Davao Oriental. | ulat ni Nitz Escarpe | RP1 Davao
📸: Provincial Government of Davao Oriental