Tiniyak ng National Economic and Development Authority o NEDA sa publiko na patuloy na tututukan ng Pamahalaan ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin partikular na ng bigas.
Ito ang inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan kasunod ng naitalang pagbagal ng inflation rate ng bansa sa 2.8 percent para sa Enero ng taong kasalukuyan.
Ayon sa Kalihim, hindi dapat magpaka-kampante ang lahat lalo’t nariyan pa rin ang banta ng El Niño Phenomenon kaya’t kailangan na mabantayang maigi ang presyuhan ng pagkain at iba pang bilihin.
Kahapon, nagpulong ang Inter-Agency Committee on Inflation an Market Outlook kung saan, tinalakay ang mga hakbang upang mapanatiling abot-kaya ang presyo ng bilihin sa kabila ng banta ng matinding tagtuyot.
Dagdag pa ni Balisacan, inilatag din sa naturang pulong ang stop-gap measures ng Pamahalaan upang buksan muli ang pag-aangkat kung kinakailangan hanggang sa mapatatag na ang presyuhan ng bilihin sa merkado.
Una nang nagbigay direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr sa mga kinauukulang ahenya ng Pamahalaan na ipatupad ang National Adaptation Plan 2023-2050 upang pabilisin din ang pagbangon ng mga komunidad sa sandaling tumama ang matitinding sakuna. | ulat ni Jaymark Dagala