Tumaas ang presyo ng bigas batay sa monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa unang buwan ng 2024.
Ayon sa PSA, tumaas sa ₱46.60 sa national level ang kada kilo ng regular milled rice mula sa ₱45.83 na presyo noong Disyembre ng 2023.
Tumaas rin ng 1.5% ang bentahan ng well milled rice na nasa ₱49.86 ang kada kilo.
Maging ang premium at special rice ay nagkaroon din ng adjustment sa presyo.
Ang premium rice ay nasa average na ₱54.14 na mas mataas sa ₱53.23 kada kilo ng retail price noong Disyembre ng 2023.
Habang ang special rice ay nasa average namang ₱55.11 kada kilo noong Enero mula sa ₱54.14 noong nakaraang buwan.
Una nang sinabi ng Department of Agriculture na pababa na rin ang presyo ng bigas sa merkado sa mga susunod na linggo lalo’t nagsimula na ang anihan sa Central Luzon na hudyat na magsisimula na ring bumaba ang farmgate price ng palay. | ulat ni Merry Ann Bastasa