Asahan na raw ayon sa mga nagtitinda ng bulaklak sa Dangwa na tataas pa ang presyo ng kanilang mga ibinebentang bulaklak ilang araw bago ang Valentine’s Day sa Miyerkoles.
Ayon kasi sa ilang tindera, tumaas din ang kanilang puhunan mula sa mga supplier tuwing may mga okasyon tulad ng Valentines.
Sa ngayon, nakikitaan na ng pagtaas ang ilang bulaklak pero mababa pa raw ito ayon sa ating mga nakausap na nagtitinda. Halibawa ang carnation ay nasa P300 para sa isang bundle of 10, arranged roses sa P1,000 to P1,300, sunflowers sa P1,000 para sa bundle of 10, iba pa ang presyo kung ito ay arranged, may mga stuffed toy bouquet din na ibinebenta mula P200 pataas depende sa disenyo.
Kung gusto naman ng mga long-lasting gift baka para sa iyo naman ang mga ibinebentang dried bouquets dito na mabibili mula P500 to P800 depende sa laki.
Sa kasalukuyan, hindi pa ganon kadagsa ang mga namimili sa Dangwa pero ayon sa mga nakausap ng Radyo Pilipinas ay dadami din ito habang papalapit ang selebrasyon sa Miyerkoles.| ulat ni EJ Lazaro