Pinaiiwas ng environmental group na Ecowaste Coalition ang publiko sa paggamit ng mga sexual enhancement product na di aprubado ng Food and Drug Administration (FDA), lalo na ngayong Valentines Day.
Tinukoy ng EcoWaste Coalition ang mga kapsula, pildoras, cream, gel at oil na sinasabing magpapalakas ng sexual performance gayundin ang food supplements na magpapasigla umano ng sexual drive o gamot sa mga may problema sa erectile function.
Ayon sa grupo, sa ngayon madaling mabili ang mga ito sa mga nagtitinda sa gilid ng bangketa o kaya ay nabibili lang sa online.
Ayon pa sa environmental group, ang naturang produkto ay may mga nakatagong sangkap o bahagi na katulad sa mga prescription drug.
Ang mga ito ay may seryosong side effects at pwedeng makasira sa paggagamot o dietary supplements ng sinumang gagamit nito.
Sa halip na makatulong ito sa pagpapasigla ng sexual performance, pwedeng mauwi ito sa pagkasira ng puso at atay at pagdurugo ng tiyan at ng blood cell problems.
Payo ng grupo, kumonsulta muna sa kanilang mga doktor ang sinumang gustong sumubok ng mga sexual enhancement products na nasa merkado. | ulat ni Rey Ferrer