Maagang nagtungo sa National Shrine of the Black Nazarene sa Quiapo, Manila ang ilang mga deboto para sa Ash Wednesday.
Alas-5:00 ng umaga nang simulan ang unang misa kung saan halos mangilan-ngilan lamang ang mga nagtungo para magpapahid ng abo sa noo.
Ito’y bilang pagsisimula ng araw ng pag-aayuno at unang araw sa panahon ng kuwaresma.
Ang iba sa mga dumalo sa misa ay maaagang nagtungo sa Quiapo Church bago pumasok sa trabaho at paaralan.
Naglagay din ang simbahan ng mga tagalagay ng abo sa labas ng simbahan para sa mga nais gunitain ang Ash Wednesday nang hindi dumadalo sa misa.
Bukod sa unang misa ngayong umaga, magsasagawa ang nasabing simbahan ng karagdagang 12 misa hanggang alas-7:00 ng gabi para makadalo ang ilang papauwi na sa kanilang tahanan.
Kaugnay nito, nagtutulong-tulong ang mga tauhan ng MPD, Manila Traffic and Parking Bureau, barangay at mga hijos del Nazareno para masiguro ang seguridad, kaayusan at maayos na daloy ng mga sasakyan. | ulat ni Lorenz Tanjoco