Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng Php265 million sa ilalim ng Presidential Social Fund para sa agarang tulong sa mga apektado ng kalamidad sa Mindanao.
Bukod pa ito sa ibinibigay na emergecy cash assistance ng DSWD, dahil sa mga naranasang pagbaha, pag-ulan, at pagguho ng lupa, bunsod ng shear line.
Sa isinagawang situation briefing sa Davao city, binigyang diin ng Pangulo na hindi lamang pagkain ang kailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Mahalaga aniya na mabili ng mga ito ang iba pang pangangailangan.
“It gets to the point na hindi lang pagkain ang kailangan ng tao. They need to buy other things para sa kanilang household. That’s why the ECTs have become very important and that’s why I released P265 million to make sure that the pace of the response is immediate at maramdaman kaagad ng tao, meron kaagad silang tulong. Maramdaman nila kaagad na meron silang gagamitin sa pangangailangan nila.” —Pangulong Marcos.
Gagamitin aniya ang emergency cash transfer system (ECT) ng DSWD para agad maipamahagi ang tulong pinansiyal na ito.
Ayon naman kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ipinag-utos ng Pangulo na agad na ipamahagi ang nasabing cash assistance.
Php30 million dito, ay nakalaan sa probinsiya ng Davao del Norte (127 barangays), Davao Oriental (125 barangays), Davao de Oro (154 barangays), at Agusan del Sur (152 barangays).
Php 25 million naman ay para sa probinsiya ng Surigao del Sur (38 barangays) at Maguindanao del Sur (30 barangays).
Php 20 million para sa Davao City (11 barangays), Butuan City (11 barangays), at probinsiya ng Davao Occidental (9 barangays).
Habang Php15 million naman sa Agusan del Norte (7 barangays), at Php10 million sa probinsiya ng Cotabato (5 barangays) at Bukidnon (4 barangays).| ulat ni Racquel Bayan